501 PRINTERS MULA SA SPECIAL EDUCATION FUND, IPINAMAHAGI NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN SA MGA PAARALAN AT PROGRAMANG PANG-EDUKASYON SA 7 MUNISIPYO SA NORTE NG PALAWAN
Personal na ipinamahagi ng mga kawani ng Provincial Information Office (PIO) sa pangunguna ni Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco ang limang daan at isang (501) unit ng HP Smart Tank 615 Wireless All-in-One printers nitong nakalipas na Agosto 8-12, 2023 sa ginanap na Ceremonial Turn-over of Special Education Fund (SEF)- Funded Printers for DepEd Palawan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates sa pitong mga munisipyo sa bahaging norte ng lalawigan.
Isang daan at siyam (109) na printers ang ipinagkaloob sa mga paaralan at programang pang-edukasyon sa bayan ng Roxas; limampu’t dalawa (52) sa bayan ng San Vicente; pitumpu’t isa (71) sa Dumaran; apatnapu’t siyam (49) sa Araceli; isang daan at dalawampu’t walo (128) sa Taytay; animnapu’t tatlo (63) sa El Nido, at dalawampu’t siyam (29) sa bayan ng Linapacan.
Dumalo bilang mga panauhin at upang magbigay ng mensahe at suporta sa naturang programa sina Board Member Roseller ‘Toto’ Pineda, Board Member Nieves Rosento gayundin ang mga kinatawan nina Board Member Ma. Angela Sabando na si Roxas Community Affairs Division (CAD) Head Raquel Vicera kabilang rin sina Ms. Azon Villaruz, Mr. Joaquin Amadeo at Mr. Joaquin Arzaga na naging kinatawan naman ni Board Member Winston Arzaga.
“Upon the approval of the school board, iyan po ay pinagbabahagi-bahagi kung saan pang concern dadalhin ang ating pera na nagmula sa SEF. Sa Sangguniang Panlalawigan, ang edukasyon ang isa sa major committees na tinitingnan lagi ng mga miyembro ng sanggunian kaya po pinag-aagawan ang Committee on Education dahil po maraming proyekto at programa ang maaaring magawa gaya nitong distribution of printers na mapaglaanan ng pondo lalo na at may Special Education Fund,” ayon sa naging mensahe ni BM Pineda.
“Ito pong pagkakaloob po ng mga printer na ito ay wala pong pinili. Kung alam po natin ‘yung Special Eduction Fund, limitado lang din po ang naco-collect ng ibang mga munisipyo, masuwerte po ang malalaking mga munisipyo pero marami po tayong mga munisipyo na maliit rin po ang collection ng buwis, pero ang pagtingin po ng ating Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna po ni Gov. Socrates ay hindi po nagkakaiba-iba, wala pong naiwan na mga barangay at school ngayong kapanahunan na ito. Lahat po kaming Board Members dito sa norte ay mga miyembro po ng Committee on Appropriations kaya makaaasa po kayo, kami po ay may pantay-pantay at malaking pagtingin sa larangan ng edukasyon dahil naniniwala po kami na ang eduksayon ay isa po nating sandata o backbone para sa kaunlaran ng probinsya,” ani BM Rosento.
Malugod namang tinanggap ng mga public school district supervisors, OICs, school heads at mga guro sa mga nabanggit na bayan ang mga ipinagkaloob na printers at nagpasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan gayundin ang mga dumalong municipal mayor, vice-mayor, sangguniang bayan members at iba pang LGU officials sa bawat munisipyo dahil sa malaking tulong ng printers sa pag-imprenta ng mga modules at iba pang dokumento na kailangan ng mga paaralan lalo na ngayong darating na pasukan.
Samantala, sa mga susunod na araw ay nakatakda ring ipamahagi ang mga printers na nakalaan para sa iba pang island municipalities sa norte ng lalawigan na bahagi pa rin ng kabuuang bilang na 1,611 printers na pinondohan mula sa SEF na nagmula naman sa isang porsiyento (1%) ng nakokolektang Real Propert Taxes ng Pamahalaang Panlalawigan.