PAGTATATAG NG PALAWAN CLIMATE RESILIENCE CENTER (PCRC) SA LALAWIGAN SA ILALIM NG PDRRMO, ISINUSULONG NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan na makapagtatag ng Palawan Climate Resilience Center (PCRC) na pangangasiwaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Ito ay sa pamamagitan ng Proposed Resolution No.1246-23 na may titulong “A Resolution Enjoining the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) to Study and Consider the Idea of Establishing Palawan Climate Resilience Center (PCRC) Under its Office” na iniakda ni Board Member Ryan D. Maminta sa ginanap na regular na sesyon ngayong araw, Agosto 15, 2023.
Ayon sa bokal, pangunahing layunin umano nito na mapaunlad ang kahandaan at katatagan ng bawat komunidad sa lalawigan. Ito umano ay magiging sentro ng research, policy formulation at magsisilbi rin itong coordination arm ng lalawigan at iba pa upang makamit ng lalawigan ang pagiging climate and disaster resilience.
“Ang PCRC ay magiging sentro kung maaari ng research, policy formulation at coordinating arm ng Provincial Government sa kanyang pagtupad sa kanyang tungkulin to achieve climate and disaster resilience sa buong probinsiya,” ani Maminta.
Dagdag pa ng bokal, bagamat hindi nararanasan ng lalawigan ang ilang natural disasters gaya ng lindol, nararapat pa rin umanong pagtuunan ng pansin ng Pamahalaang Panlalawigan ang ganitong aspeto upang masiguro ang kahandaan.