TATLONG ARAW NA SPS MEDICAL MISSION, HANDOG NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN SA MGA RESIDENTE NG BAYAN NG RIZAL

Inihahandog ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates ang tatlong araw na Serbisyo Progreso Sambayan (SPS) Medical Mission para sa mga residente ng bayan ng Rizal na sinimulan noong Agosto 15 hanggang Agosto 17, 2023 na ginaganap sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Training Center sa naturang bayan.

Ang aktibidad ay isinasakatuparan sa pakikipagtulungan ng Dr. Jose Rizal District Hospital (DJRDH) gayundin ng tanggapan ni Cong. Jose Ch. Alvarez sa ikalawang distrito ng lalawigan, LGU Rizal, Rural Health Unit (RHU), Special Forces, Rizal Sagip Kalusugan (RSK),  Palawan State University (PSU)- Rizal Campus, Baragay Health Workers (BHW) at mga Barangay Nutrition Scholars (BNS).

Nagsagawa rin ng banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Joseph Ngo Van Ha, SVD at sinundan ng maikling programa bago sinimulan ang pagkakaloob ng mga serbisyong medikal.

Personal ding dumalo si Gob. Socrates sa pagsisimula ng aktibidad kung saan nagpasalamat ito sa mga nakikiisa at naging bahagi ng SPS Medical Mission at inaasahang maraming mga Palaweñong maysakit at nangangailangan ng atensyong medikal ang matutulungan.

“Nagpapasalamat po ako na nakarating po kami sapagkat ito po ay unang lakad ng SPS Medical Mission, Serbisyo Progreso Sambayanan at karangalan ko pong makasama ko po kayo. Sana hindi naman tayo magkasakit pero yung may mga sakit po ay sana matulungan kayo ng ating provincial medical personnel at kung ano pang mga pangangailangan na inaasahan nating matutugunan sa pagtutulungan nating lahat kasama ang local government ng bayan ng Rizal sa pakikipagtulungan natin sa tanggapan ni Congressman JCA,” ani Gob. Socrates.

Taos puso naman ang pagpapasalamat ni Mayor Norman S. Ong sa Pamahalaang Panlalawigan at sa tanggapan ni Cong. Alvarez sa pagsasagawa ng medical mission sa bayan ng Rizal na malaking tulong umano para sa kanilang mga kababayan.

“Alam niyo po, bibihira yung ganitong mga pagkakataon na mayroon pong medical mission, kaya po sa amin po, in behalf ng bayan ng Rizal, kami po nina Vice, mga SB members at lahat po ng mga kababayan namin dito ay taos puso po ang pasasalamat syempre sa ating Governor Victorino Dennis M. Socrates at sa ating Congressman Jose Chaves Alvarez sa pagdadala po ng serbisyo sa aming mga kababayan,” ani Mayor Ong.

Ilan pa sa mga opisyales na dumalo at nagbigay ng mensahe ay sina Vice Mayor Maria Gracia M. Zapanta, Sanggunian Bayan Member Sherwin Macasaet bilang kinatawan ni Cong. Alvarez at SB Kim Apostol.

Kabilang naman sa mga libreng serbisyong medikal na ipinagkakaloob sa mga residente ng nasabing bayan ay ang konsultasyon para sa OB, pediatric at internal medicine gayundin ang pagbibigay ng libreng mga gamot at bitamina. Nagsasagawa rin ng libreng tuli o circumcision, laboratory, radiology, blood smear para sa malaria at height and weight taking.

Ang SPS medical mission ay isasagawa rin ng Pamahalaang Panlalawigan sa iba pang mga munisipyo sa lalawigan bunsod ng hangarin ni Gob. Socrates na patuloy na mapalakas ang sektor ng kalusugan at mailapit sa mga Palaweño ang nabanggit na mga libreng serbisyong medikal.