2 KARAGDAGANG WATER SUPPLY SYSTEM PROJECTS NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN SA BAYAN NG RIZAL, HANDA NANG MAGBIGAY SERBISYO SA MGA MAMAMAYAN

Handa nang magbigay serbisyo para sa mga mamamayan ang karagdagang dalawang Solar Powered Deepwell Water System Projects ng Pamahalaang Panlalawigan na matatagpuan sa Brgy. Campong-Ulay at Brgy. Panalingaan sa bayan ng Rizal matapos ang isagawang pagpapasinaya rito na pinangunahan ni Rev. Fr. Joseph Ngo Van Ha, SVD ngayong araw, Agosto 17, 2023 sa mga nabanggit na barangay.

Ang proyekto na pinangangasiwaan ng Provincial Economic Enterprise Development Office (PEEDO) ay inaasahang maghahatid ng ligtas at malinis na inuming tubig sa mga residente bilang solusyon sa kakulangan sa suplay ng malinis na tubig sa mga naturang barangay.

Sa kabuuan, mayroon ng pitumpu’t dalawang (72) water supply system projects ang naitayo ng Pamahalaang Panlalawigan kung saan walo dito ay matatagpuan sa bayan ng Rizal na binubuo ng Magtayob Water System; Panalingaan Water System; Latud Water System; Taburi Water System; Canipaan Water System; Candawaga Water System; Campong-Ulay Water System, at Punta Baja Water System.

Ang patuloy na pagpapaabot ng malinis na tubig para sa mga Palaweño sa pamamagitan ng mga nasabing water projects ay isa rin sa mga tinututukang sektor ng administrasyon ni Gob. V. Dennis M. Socrates na matatandaang sinimulan ng nakalipas na administrasyon.

Samantala, dumalo naman sa aktibidad sina Mayor Norman S. Ong, Vice Mayor Maria Gracia M. Zapanta, Board Member Ariston D. Arzaga, Engr. Marvin Jason Igna ng PEEDO bilang kinatawan ni OIC Engr. John Gil Ynzon, Municipal Economic Enterprise Development Officer Engr. Nelson R. Avanceña, Municipal Engineer Rodel B. Lobaton gayundin sina Punong Barangays Rolly M. Badenas ng Campong Ulay at Angeles A. Gane ng Panalingaan.