GOB. DENNIS M. SOCRATES, NAGBIGAY-INSPIRASYON SA MGA BAGONG APPOINTED AT PROMOTED NA EMPLEYADO NG CDH AT SPPH SA PANUNUMPA SA TUNGKULIN NG MGA ITO

Nagbigay inspirasyon si Gob. Dennis M. Socrates sa mga bagong appointed at promoted na empleyado ng Cuyo District Hospital (CDH) at Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) sa mensahe nito sa ginanap na Oath Taking Ceremony ngayong araw, ika-17 ng Agosto 2023 na dinaluhan din ni Bise Gob. Leoncio N. Ola.

“Unang-una, I’d like to congratulate you for your new promotion or new appointment which I’d like to emphasize: You deserve it! Hindi ito utang na loob sa pulitiko,” bungad ni Gob. Socrates.

Aniya, hindi rin umano kapritso lamang ang pinaiiral sa pagpili ng mga bagong appointee dahil sila ay kwalipikado sa kung ano ang itinatakda ng batas at pasado sa Personnel Selection Board (PSB).

Binigyang-diin din nito sa mga newly-appointed at promoted na empleyado na may kaakibat na mga responsibilidad ang posisyon at nawa ay maging daan ang kani-kanilang mga trabaho sa paglago at pagiging mabuting tao para na rin sa kabutihang panlahat.

“Ang gobyerno ay isang institusyon at lahat tayo ay mahalaga sa pagpapakilos nito, anuman ang tagumpay o kabiguan ng gobyerno, kasali tayo doon,” dagdag pa ng gobernador.

May apat na appointees sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) habang pito naman ang newly appointed at isang promoted na empleyado sa Cuyo District Hospital (CDH).

Pinangasiwaan ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) ang ginanap na Oath Taking kung saan ibinahagi ni PHRMO Officer-In-Charge Rolando B. Buñi ang tema ng Civil Service Commission (CSC) Month ngayong taon na “Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes”.

Nagpakita rin ng suporta si Board Member Juan Antonio Alvarez sa nasabing aktibidad.