PALAWAN INTER-MUNICIPALITY FOOTBALL LEAGUE 2023, PALAWAN SEPAK TAKRAW INVITATIONAL TOURNAMENT AT PALAWAN TABLE TENNIS JUNIOR PROGRAM, OPISYAL NANG SINIMULAN KAHAPON

Sinimulan nitong Agosto 22, 2023 ang tagisan ng mga manlalarong Palaweño sa larangan ng football, sepak takraw, at table tennis sa inaabangang mga kompetisyon na handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates na kasalukuyang ginaganap sa Western Philippines University (WPU)- Aborlan at Sofronio Española Municipal Gymnasium.

Sa ginanap na maikling programa bago simulan ang nasabing mga torneyo, malugod na binati nina Provincial Sports Division- Sports Development Officer IV Silvanny Delight Q. Gastanes at Sports & Games Regulation Officer II Janelle B. Beltran ang mga manlalarong Palaweño.

Ayon kay Gastanes, ang naturang mga patimpalak ay daan upang maipakita ng mga manlalaro ang kanilang angking galing na makatutulong sa patuloy na paghubog sa talento at tamang asal ng bawat manlalaro.

“Ang layunin po ng ating Gob. Dennis M. Socrates ay palawigin pa ang kaalaman at kakayahan ng ating mga kabataan at opisyales sa iba’t ibang uri ng sports sa lalawigan ng Palawan. Sana ‘yon po ang maging daan upang makamit niyo ang inyong adhikain na maipakita ang inyong galing sa paglalaro, disiplina, pakikipagkapwa, pagtanggap ng pagkatalo, at pagpapakumbaba sa kapwa manlalaro sa kabila ng tagumpay na inyong makakamit sa apat na araw na paglalaro,” ani Gastanes.

Mayroong dalawampu’t walong (28) grupo na nagmula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan at ilang parte ng bansa ang lumahok sa Palawan Sepak Takraw Invitational Tournament na nahahati sa tatlong kategorya: Open Men’s Regu; Open Women’s Regu, at 15 yrs. old and below Men’s Regu.

Labindalawang (12) grupo naman na nagmula sa mga bayan ng Brooke’s Point, Narra, at Aborlan ang lumahok sa Palawan Inter-Municipality Football League 2023 na mayroong tatlong kategorya: Boy’s Under 13; Men’s Under 17, at Men’s Open Category (Inter-Municipality).

Ang Palawan Table Tennis Junior Program naman ay nilahukan ng pitumpung (70) manlalaro na nagmula sa southern municipalities ng lalawigan maliban sa bayan ng Balabac. Ang torneyo ay may iba’t ibang kategorya na kinabibilangan ng Boy’s Singles 11 & under; Girl’s Singles 11 & under; Boy’s Singles 13 & under; Girl’s Singles 13 & under; Boy’s Singles 15 & under; Girl’s Singles 15 & under; Boy’s Singles 17 & under, at Girl’s Singles 17 & under.

Katuwang ng Office of the Governor- Provincial Sports Division ang LGU- Aborlan, LGU- Sofronio Española, WPU- Aborlan at Department of Education (DepEd) Palawan sa pagsasagawa ng mga nabanggit na aktibidad.

Layunin nito na patuloy pang palakasin ang sporting events sa lalawigan at lalo pang mahasa ang talento ng mga Palaweño sa mga nabanggit na sports upang maaari ding maging kinatawan ng Palawan ang mga ito para sa mga national competition o maging sa ibang bansa.

Ilan pa sa mga dumalo sa programa sa bayan ng Aborlan para sa pagbubukas ng Palawan Inter-Municipality Football League 2023 at Palawan Sepak Takraw Invitational Tournament ay sina Aborlan Vice Mayor Marvin Madeja kasama ang ilang Sangguniang Bayan Members ng Aborlan at Atty. Joselito C. Alisuag, OIC- CHED Director, MIMAROPA habang dinaluhan naman ni Sofronio Española Mayor Abner Tesorio ang kahalintulad na programa na isinagawa sa bayan ng Sofronio Española bilang opisyal na pagbubukas ng Palawan Table Tennis Junior Program.

Para sa mga nais manood, magtatagal ang kompetisyon hanggang sa Agosto 25 na ginaganap sa WPU- Aborlan para sa Inter-Municipality Football League at Sepak takraw Invitational Tournament habang sa Sofronio Española Municipal Gymnasium naman para sa Table Tennis Junior Program.