CULMINATING ACTIVITIES PARA SA 400 YOC, ISINAGAWA

Matagumpay na isinagawa ang Prusisyon ng Pasasalamat kahapon, Agosto 24, 2023 bilang bahagi ng pagtatapos ng isang taong selebrasyon ng 400 Years of Christianity (YOC) sa lalawigan ng Palawan.

Ang prusisyon ay sinimulan sa Old Puerto Princesa City Airport patungo sa Immaculate Conception Cathedral sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ang order of procession ay binuo ng anim (6) na mga caroza lulan ang iba’t ibang imahe ng mga santo kabilang si St. Joseph the Husband of Mary; St. Joseph the Worker; St. Augustine; St. Ezekiel Moreno; Immaculate Concepcion, at ang caroza ng Jubilee Cross. Ang bawat caroza ay sinusundan ng mga parishioners mula sa iba’t ibang parokya ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa (AVPP) at Apostolic Vicariate of Taytay (AVT), mga pari, religious sisters gayundin ang grupo ng mga katolikong paaralan sa lalawigan.

Kasalukuyan namang isinasagawa ang isang banal na misa na pinangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown kasama ang mga kaparian mula sa AVPP, AVT at mga guest priests na ginaganap sa Immaculate Concepcion Cathedral kung saan dinadaluhan ng mga kinatawan ng mga parokya kasama ang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan, Pamahalaang Panlungsod at ilang mga tanggapan sa lalawigan.

Lubos naman ang ginagawang pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Gob. V. Dennis M. Socrates sa selebrasyong ito na pinangangasiwaan ng AVPP at AVT.