PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG PALAWAN, NAKIISA SA 400 YEARS OF CHRISTIANITY CULMINATING ACTIVITIES
Lubos ang naging pakikiisa at suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gob. V. Dennis M. Socrates sa isang taong selebrasyon ng 400 Years of Christianity (YOC) sa lalawigan ng Palawan na nagtapos nitong Agosto 25, 2023 sa pamamagitan ng culminating activities na isinagawa sa Ramon V. Mitra (RVM) Sports Complex gayundin sa PGP Convention Center sa Capitol Grounds.
Isa si Gob. Socrates sa mga nagbigay ng inspirational talks sa isinagawang Festival of Talks, Conversation on Faith kasama sina Rev. Msgr. Jose Delfin; Rev. Fr. Rene Paglinawan, OAR; Mr. King Rodrigo, at Ms. Boots Anson-Roa na ginanap sa RVM Sports Complex.
Ayon sa gobernador, ang mahalagang selebrasyon ay bilang pag-alala at pagpapasalamat sa pagdating ng Kristiyanismo na naging dahilan nang pagkakabuklod sa pag-ibig ng mga Palaweño.
“Unang-una ay nagpapasalamat tayo, nagdiriwang, at nagsasaya sapagkat natanggap natin ang pananampalatayang Kristiyano. It’s about receiving our faith, napakalaking biyaya sa atin at tayo ay nagpapasalamat, nagsasaya, nagdiriwang. Ngunit hindi lamang pananampalataya ang ating ipinagdiriwang, ipinagdiriwang din natin ang ating pagkakaisa bilang sambayanan, sapagkat nung dumating ang mga misyonerong Español dito sa ating kapuluan, oo nga mayroong kabihasnan dito sa ating kapuluan ngunit kalat-kalat, hiwa-hiwalay, naging bansa lamang ang Pilipinas nang dumating ang mga misyonerong Español. Kaya nagpapasalamat tayo at tayo ay naging isang sambayanang pinagbubuklod ng pag-ibig.”
Dumalo rin ang gobernador kasama ang ilang opisyales at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa Misa ng Pasasalamat at Pagkakaisa na pinangunahan ni Archdiocese of Manila Most Reverend Jose F. Cardinal Advincula, Jr. DD; Most Rev. Socrates Mesiona; Most Rev. Broderick Pabillo at mga kaparian mula sa Bikaryato ng Puerto Princesa at Taytay na sinundan nang pagpapailaw sa 400 YOC candles na sumisimbolo sa ika-400 taon ng Kristiyanismo sa lalawigan kaalinsabay sa paglulunsad ng awiting ‘Ipadayon’ ni Fr. Anthony Almadrones.
Sinundan ito ng isang cultural show kung saan aktibo ring nagtanghal at nagpamalas ng angking talento ang mga mananayaw at performers ng Pamahalaang Panlalawigan.
Samantala, lubos naman ang naging pasasalamat ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa (AVPP) at Apostolic Vicariate of Taytay (AVT) sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Socrates at sa lahat ng mga naging bahagi ng matagumpay na isang taong selebrasyon ng ika-400 taon ng Kristiyanismo sa Palawan.
“Sa atin pong pagbabaliktanaw sa pagdiriwang at pagpapatuloy nang sinimulan ng mga misyonero ay ang pagpapahayag din natin ng taos pusong pasasalamat sa mga naging bahagi upang itong ating makasaysayang paggunita sa ika-400 taong kristiyanismo sa Palawan ay maging makabuluhan at matagumpay… Pasasalamat din po sa ating mga lokal na pamahalaan lalo na po dito sa probinsya ng Palawan sa pamumuno ni Governor Dennis Socrates, sa kanilang suporta upang ang lahat ng mga pagdiriwang sa buong taon bilang paggunita sa ika-400 taon ng Kristiyanismo dito sa Palawan ay maging matagumpay…,” ani Bishop Mesiona.