PROVINCIAL LEGAL OFFICE, MULING NAGHATID NG FREE LEGAL CONSULTATION AT SEMINAR SA BAYAN NG ABORLAN

Matagumpay na naisakatuparan ng Provincial Legal Extension Services Program (PLESP) sa ilalim ng Provincial Legal Office (PLO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang free consultation at seminar sa bayan ng Aborlan nitong nakalipas na Agosto 24-25, 2023.

Ang grupo ay malugod na tinanggap ni Mayor Jaime Ortega na nagpasalamat sa mga serbisyong legal na kaloob para sa mga residente ng Aborlan. Dumalo rin at nagbigay ng mensahe si Board Member Rafael Ortega, Jr. na sinabing napakahalaga ng serbisyong hatid ng PLESP para sa mga kawani at opisyal ng mga barangay gayundin para sa mga mamamayan.

Sa unang araw ng aktibidad ay isinagawa ang seminar/orientation para sa mga Lupong Tagapamayapa at opisyales ng barangay mula sa 19 barangays ng Aborlan kung saan kabilang sa mga tinalakay ay ang Katarungang Pambarangay (KP); Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials; Anti-graft and Corrupt Practices Act o RA 3019;

Anti-Violence Against Women and their Children Act (VAWC) o RA 9262; Anti-Trafficking in Person, at An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage o RA 11596 na tinalakay nina Atty. Mary Joy Ordaneza-Cascara; Atty. Vicente Escala, Jr.; Atty. Lara Mae Cacal; Atty. Vanessa Bautista mula sa Commission on Human Rights (CHR), at LGOO II Ivy Diane Piramide ng DILG-Palawan kasama si Atty. Christine Aribon bilang Master of Ceremonies.

Sa ikalawang araw naman ng aktibidad ay isinagawa ang pagkakaloob ng free legal consultation para sa mga residente ng Aborlan na pinangunahan ng limang mga abogado mula sa Provincial Legal Office (PLO) kabilang sina Atty. Ordaneza-Cascara; Atty. Escala; Atty. April Joy Rabang-Baylosis; Atty. Tristan Ray Besa, at Atty. Christine Aribon gayundin ang limang mga abogado mula naman sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) Palawan Chapter na sina Atty. Kenny A. Pe; Atty. Elgieraydolph Y. Buison; Atty. Edgar Allan D. Ocampo; Atty. Nixon T. Ramirez, at Atty. Joshua L. Abrina kung saan umabot sa 81 na mga kliyente ang nabigyan ng libreng konsultasyong legal patungkol sa family at barangay problems, VAWC, Real Estate Property issues at iba pang problemang nangangailangan ng legal advice.

Layunin ng programa na personal na maiparating at maipaabot ang serbisyong legal para sa mga mamamayan sa lahat ng munisipyo sa Palawan ayon na rin sa direktiba ni Gob. V. Dennis M. Socrates.

Ang bayan ng Aborlan ang ika-pitong munisipyo na napagkalooban ng serbisyong legal ng nasabing tanggapan. Matatandaang una nang tinungo ng PLESP ang mga bayan ng San Vicente, Roxas, Quezon, Taytay, Bataraza at Narra nitong mga nakalipas na buwan.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng pamumuan PLESP sa pangunguna ni Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa sa mainit na pagtanggap ng bayan ng Aborlan sa kanilang grupo gayundin naman ang taos-pusong pasasalamat ng mga residente ng nasabing bayan na naging partisipante at napagkalooban ng libreng serbisyong legal.