BAKUNA CHAMPIONS TRAINING OF TRAINERS, KASALUKUYANG ISINASAGAWA

Isinagawa ang Bakuna Champions Training of Trainers na pinangangasiwaan ng Provincial Health Office (PHO) katuwang ang Department of Health – Center for Health Development (DOH CHD-MIMAROPA) na sinimulan mula Agosto 30, 2023 hanggang  Setyembre 01 sa Hue Hotels and Resorts Puerto Princesa.

Kabilang sa mga sumasailalim sa pagsasanay ay ang ilang Barangay Health Workers (BHWs), mga doktor, nurses, midwives, at Health Education and Promotion Officers (HEPO) mula sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan.

Ilan naman sa mga topikong tinalakay ay ang Strengthening the Roles of BHWs; Priority Areas of Health Promotion; Introduction to Bakuna Champions; National Immunization Program; Interpersonal Communication, at Partnership Building Engagement na inilahad naman nina Mr. Meyrick J. Garces, RN; Ms. Diane Kay Guevara, RN; Ms. Danika P. Omapas; Ms. Trixia T. Roy, RN, at Mr. Arlo Winston De Guzman, RN bilang resource speakers.

Binigyang diin naman ni Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Q. Labrador ang kahalagahan ng bakuna partikular na ang kakayahang makapagligtas ng buhay mula sa mga nakamamatay na sakit na maaaring mapigilan kung bakunado ang isang tao.

“We all know naman po that vaccines have been saving thousands of children po every year, protecting from life-threatening diseases, and there are illnesses po that only vaccines can protect them. We really have to emphasize to them the very importance of vaccines, syempre po yung ating routine vaccinations that they have need to complete from zero to one, if they have not completed it, yung ating catch up immunization as well as yung ating mga supplemental immunization po in the presence of an outbreak…” ani Dr. Labrador.

Layunin ng pagsasanay na lalo pang mapataas ang antas ng kaalaman ng mga healthcare workers sa lalawigan na isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Gob. V. Dennis M. Socrates sa pagsusulong ng sektor ng kalusugan sa lalawigan.

Dito ay nabigyan din ng kaukulang impormasyon ang mga partisipante hinggil sa Bakuna Champions Playbook na kabilang sa walong Health Promotion Playbook alinsunod sa pitong (7) Priority Areas ng Health Promotion Framework Strategy 2030 na binubuo ng Diet and Physical Exercise; Environmental Health; Immunization; Substance Abuse; Mental Health; Sexual and Reproductive Health, at Violence and Injury Prevention upang ang mga ito na rin mismo ang mangangasiwa sa pagsasanay sa kanilang nasasakupang Barangay Health Workers (BHWs) at iba pang volunteer health workers bilang pagtalima sa Universal Health Care (UHC) Act kung saan isinusulong na mapataas ang kakayahan at kaalaman ng mga BHW bilang Health Education and Promotion Officers.

Ang nasabing aktibidad ay isinasakatuparan din sa pakikipagtulungan Department of Health (DOH) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF).