MGA AHENSIYANG MAY KINALAMAN SA PRESYO AT SUPLAY NG BIGAS SA LALAWIGAN, NAKATAKDANG IMBITAHAN SA COMMITTEE ON AGRICULTURE NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Nakatakdang imbitahan sa Committee on Agriculture and Aquatic Resources ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan ang mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan na may kinalaman sa monitoring at pagkontrol ng presyo at mababang suplay ng bigas sa lalawigan kabilang ang Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), Department of Trade and Industry (DTI), National Irrigation Association (NIA), Office of the Provincial Agriculturist (OPA) kasama ang Municipal Agriculture Offices (MAOs) sa iba’t ibang munisipyo, private traders at rice farmers sa lalawigan.
Ito ay sa pamamagitan ng naging privilege speech ni Board Member Ryan D. Maminta sa ginanap na regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong Agosto 29, 2023.
“If we notice the price of rice is already at ₱50… ang pinakamura po ay nasa ₱50 na dati po ito’y nasa ₱40. In consultation with some of the stakeholders, they are saying that the supply is very low at kapag nagtuloy-tuloy po ito, if situation worsen baka umabot sa mas mataas na presyo pa ang bigas dito sa ating lalawigan,” ani Maminta.
Aniya, layon ng pagpupulong na malaman ang kasalukuyang estado ng suplay ng bigas sa lalawigan, malaman ang pangunahing dahilan ng mataas na presyo nito sa pamilihan gayundin upang matukoy ang mga nararapat na interbensiyon na maaaring gawin ng pamahalaan upang maitaas ang produksiyon at mapababa ang presyo nito sa pamilihan.
Sa pamamagitan nito, nais ding masiguro ng bokal ang food security ng lalawigan at matiyak na sasapat ang suplay ng bigas bago matapos ang taon base sa pangangailangan ng mga Palaweño.
“Hindi lang ang pagtaas ng presyo ng bigas kundi yong suplay at demand ng bigas sa lalawigan as separate local government na mayroong malaking sakop at siyempre kailangan natin malaman doon sa mga eksperto na nanggaling sa DA, OPA at NFA kung ano ba ang kalagayan ng suplay ng bigas sa ating lalawigan at ano ba ang pangunahing dahilan sa pagtaas ng presyo ng bigas at kung may sapat pa ba tayong suplay bago matapos ang taon at kung ano ang mga interbensiyon na pwedeng gawin ng Pamahalaang Panlalawigan, ng mga departamentong ito at saka ng mga lokal na pamahalaan para maging stable ang suplay ng bigas.”
Ayon pa sa bokal, nakaaalarma na umano ang estado ng suplay ng bigas sa lalawigan sapagkat may iilan na umanong retail stores ang nagsara na dahil sa kakulangan ng suplay na isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang presyo nito sa mga pamilihan.
“Alarming siya in the sense na may mga nagsara ng mga retail stores tapos dati 40 pesos, ngayon 50 pesos na tapos walang NFA rice, walang mapagkunan ang ating mga kababayan kaya obligadong bumili ng 50 pesos.”
Kaugnay nito, agad ring inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 18651 “Resolution urging the Honorable Governor V. Dennis M. Socrates to immediately organized and mobilized a Palawan Rice Hoarding Task Force (PRHTF) to crack down on rice hoarding and price manipulation for the interest of general public and make appropriate action and charges thereto” na iniakda ni BM Ariston D. Arzaga upang maiwasan ang price manipulation ng bigas sa lalawigan.