TECHNICAL WORKING GROUP (TWG) ON TABON CAVE MAPPING, NAGSAGAWA NG PAGPUPULONG

Nagpulong nitong Agosto 30, 2023 ang mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) on Tabon Cave Mapping na ginanap sa Conference Room ng Office of the Governor sa kapitolyo upang talakayin ang mapang binubuo para sa Heritage Site ng Tabon Cave kaugnay sa nominasyon at inskripsiyon nito sa listahan ng UNESCO World Heritage Sites.

Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan, LGU Quezon, Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Provincial Planning and Development Office (PPDO), Department of Tourism (DOT) MIMAROPA gayundin sina Dossier Writer Marian Roces, Dr. Eusebio Dizon ng UP School of Archaeology, Dr. Mary Jane Louise Bolunia ng National Museum at Mr. Karl Albas ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Iprinisinta ni Development Management Officer V May C. Lacao mula sa Office of the Governor, ang proposed map na nagpapakita at tumutukoy sa core zones at buffer zones ng Tabon Cave batay sa Environmentally Critical Areas Network o ECAN zoning samantalang nagprisinta rin si G. Jonnie A. Asis ng MPDO Quezon ng mapang binuo ng lokal na pamahalaan.

Ang pagbuo sa Heritage Site Map ng Tabon Cave ay mahalaga umano sa pagtukoy ng mga lugar at boundaries sa kalupaan at karagatan na nasasakop nito upang ito ay patuloy na maprotektahan mula sa mga mapanirang gawain na makaaapekto sa preserbasyon ng kalikasan. Isa ito sa mga pangunahing kailangan sa nominasyon ng Tabon Cave upang ito ay maideklara bilang UNESCO World Heritage Site.