5-YEAR FOREST RESTORATION MAP NG PALAWAN, BINALANGKAS SA ISINAGAWANG HIGH-LEVEL FORUM FOR THE RESTORATION OF PALAWAN'S FOREST LANDSCAPE NG PG-ENRO

Binalangkas ng mga eksperto na may kaugnayan sa pangangalaga ng kalikasan ang 5-Year Forest Restoration Action Plan ng lalawigan ng Palawan sa isinagawang High-Level Forum for The Restoration of Palawan’s Forest Landscape na ginanap nitong nakalipas na Setyembre 01, 2023 sa Aziza Paradise Hotel, lungsod ng Puerto Princesa.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Provincial ENRO Atty. Noel E. Aquino katuwang ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at USAID Sibol na dinaluhan naman ni Board Member Ryan D. Maminta kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Office of the Provincial Agriculturist (OPA), representante mula sa academe at mga lokal na pamahalaan ng iba’t ibang munisipyo sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Officers (MENROs) at Sanggunian Bayan members.

Ayon kay Atty. Aquino, mahalaga umanong magkaroon ng iisa at solidong plano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng 5-Year Forest Restoration Map kung saan natukoy dito ang high and medium priority sites ng mga kabundukan o timberland sa iba’t ibang munisipyo na siyang magsisilbing gabay ng pamahalaan hinggil sa mga kabundukan sa lalawigan na kinakailangan pagtuunan ng pansin.

“Ito na po ang finale kaya tinawag natin itong high-level presentation kasi kasama natin dito ang ating mga Local Chief Executives. After the discussions, considerations and study, we will now present the final restoration map that will be adopted in the entire province of Palawan. Ito po ang magiging gabay natin kung ano po ang mga areas na dapat bigyan natin ng priorities pagdating sa forest restoration,” ani Aquino.

Aniya, maliban dito, mahalaga ring makabuo ng Forest Landscape Restoration Network kung saan magiging iisa lamang ang mga programa at inisyatibong pangkalikasan na ipatutupad sa lalawigan katuwang ang iba’t ibang tanggapan, NGOs, at LGUs para sa mas mabilis at epektibong restoration plan.

“Nasimulan na natin yong Synchronized Pista ng Kalikasan which is already part of the network for forest restoration. Gusto nating gawing isa, sabay-sabay at lahat mayroong ambag. This time, kasama natin sila. Lahat po dito ay hinihikayat na mag-restore, ang importante dito ay mayroon na tayong isang solidong mapa. Ibig sabihin, kahit sinumang grupo ang dumating sa atin na gustong tumulong, welcome sa atin pero hindi sila pwedeng gumawa ng sariling mapa kung saan nila ilalagay ang kanilang restoration. It has to follow at i-adopt itong ating restoration map dahil dinaan natin ito sa magandang pag-aaral.”

Sa kabuuan, hindi umano bababa sa 60 porsiyento ng mga kabundukan sa lalawigan ang kinakailangang iprayoridad ng pamahalaan.

Ang pangangalaga sa kalikasan ay isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Gob. V. Dennis M. Socrates kabilang ang patuloy na pagtataguyod at pagpapalago sa mga kabundukan ng lalawigan.

Inaasahan naman na sa lalong madaling panahon ay maipamamahagi na ang naturang mapa sa iba’t ibang tanggapan at munisipyo para sa agarang implementasyon nito sa buong lalawigan.

Kaugnay nito, nagkaroon din ng Signing of Pledge of Commitment ang lahat ng mga partisipante bilang pagpapakita ng lubos na pagsuporta at aktibong pakikiisa sa naturang inisyatibo ng PG-ENRO.