"1ST FESTIVAL OF PALAWAN FRUITS", ILULUNSAD NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

 

Samu’t saring sariwang prutas mula sa mga magsasaka sa lalawigan ng Palawan ang maaaring mabili sa mura at abot kayang halaga sa isasagawang paglulunsad ng “1st Festival of Palawan Fruits” na gaganapin bukas, Setyembre 06, 2023 sa Centennial Pavilion ng kapitolyo mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon.

Ito ay pangangasiwaan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa pamumuno ni Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal katuwang ang Palawan Tarabidan Multi-Purpose Cooperative sa pangunguna ni Gng. Socorro S. Tan, Chairman, Board of Director ng Palawan Tarabidan MPC bilang KADIWA MIMAROPA Official Outlet.

Ito ay bukas para sa publiko na nais tangkilikin ang mga produkto ng mga magsasaka mula sa mga munisipyo sa lalawigan. Kabilang sa mga maaaring mabili rito ay ang iba’t ibang uri ng prutas gaya ng lanzones, rambutan, langka, marang, saging at iba pa kabilang na ang ilang endemic fruits o mga prutas na matatagpuan lamang sa lalawigan.

Ang aktibidad ay kaalinsabay din ng regular na pagsasagawa ng ‘Barakalan sa Kapitolyo’ kung saan maaari ring mabili rito ang iba’t ibang uri ng sariwa at masusustansiyang gulay, poultry products, nuts, dried products at marami pang iba.

Kaugnay nito, patuloy naman ang paanyaya ni Dr. Cabungcal sa publiko na tangkilikin ang mga nasabing produkto upang matulungan ang mga Palaweño na nasa sektor ng agrikultura.