200 HIGH VALUE FRUIT TREES SEEDLINGS, NAITANIM SA GINANAP NA 'PLANT A TREE' NA PINANGUNAHAN NG PG-ENRO

Umabot sa dalawang daan (200) na iba’t ibang uri ng high value fruit trees na kinabibilangan ng star apple, santol, guyabano, langka, kalamansi at iba pa ang naitanim ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa isinagawang ‘Plant a Tree’ na ginanap sa PGP Compound, Brgy. Irawan, lungsod ng Puerto Princesa ngayong araw, Setyembre 18, 2023.

Sa naging mensahe ni Provincial ENRO Atty. Noel E. Aquino sa pamamagitan ni Forester Willy B. Ortega, binigyang diin nito na ang pagtatanim ng mga puno ay nagpapakita lamang ng komitment sa pagseserbisyo ng mga kawani ng kapitolyo para sa kapakanan ng mga Palaweño gayundin bilang pagpapakita ng lubos na pagmamahal sa kalikasan.

Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) katuwang ang Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) bilang bahagi pa rin ng pakikiisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pagdiriwang ng ika-123 anibersaryo ng Philippine Civil Service sa buong bansa ngayong buwan ng Setyembre na may temang “Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes.”

Samantala, kabilang naman sa mga tanggapan ng kapitolyo na lumahok sa aktibidad ay ang PHRMO, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Provincial Government Security Services (PGSS), Palawan Rescue 165 at Provincial Equipment Pool Office (PEPO).