KONSTRUKSYON NG TUBBATAHA RANGER STATION PHASE II SA CAGAYANCILLO, PALAWAN, NASA 60% NANG NATATAPOS AYON SA PEO

Nasa 60% nang natatapos ang isinasagawang konstruksyon ng Phase II ng Tubbataha Ranger Station sa bayan ng Cagayancillo, Palawan ayon sa Provincial Engineering Office (PEO) ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ang proyekto ay sinimulan nitong nakalipas na Abril 2023 at inaasahang matatapos sa Abril sa susunod na taon.

Ang P58-M na pondo na inilaan sa proyektong ito ay mula sa ibinayad na danyos perwisyo ng bansang Amerika sa Pilipinas dahil sa pinsalang naidulot ng USS Guardian nang sumadsad ito sa Tubbataha Reef noong 2013.

Matatandaan na taong 2020 nang simulang gawin ang Phase I ng Tubbataha Ranger Station mula sa pondong ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na may contract cost na P40-M at natapos noong 2021.

Kabilang sa Phase I at Phase II Construction ng Tubbataha Ranger Station ang Main Module, Research Module at Transportation Module kung saan partikular na itatayo ang isang helipad.

Isa ito sa mga proyektong pang-imprastraktura na sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan sa nakalipas na administrasyon ni dating Gob. Jose Ch. Alvarez at ipinagpapatuloy ngayon ni Gob. V. Dennis M. Socrates.