PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG PALAWAN, NAKIISA SA SELEBRASYON NG WORLD TOILET DAY
Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Gob. V. Dennis M. Socrates sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa selebrasyon ng World Toilet Day 2023 na ginanap nitong nakalipas na Nobyembre 10, 2023 sa Brgy. Inogbong sa bayan ng Bataraza.
Ang selebrasyon na may temang “Ang Sanitasyon ay Iangat, para sa Kalusugan ng LAHAT! (Lupa, Hangin, Tubig at Tao)” ay sinimulan sa pamamagitan ng isang parada na dinaluhan ng mga residente mula sa nabanggit na barangay at mga karatig na lugar nito. Nagkaroon din ng isang maikling aktibidad kung saan nagbigay ng mensahe sina Sangguniang Bayan Member Gomer Miano bilang kinatawan ni Bataraza Mayor Abraham M. Ibba; Board Member Marivic H. Roxas na siya ring Chairperson ng Committee on Health and Social Services; Dr. Justyne F. Barbosa ng PHO; Bataraza Municipal Health Officer Dr. Ruiza U. Ismael; Dr. Rommel Lizan ng Department of Health Center for Health Development (DOH CHD) MIMAROPA Environment and Occupational Health Cluster (EOHC) at Brgy. Kagawad Rafaela Bonbon habang nagbahagi naman ng kaalaman sa isinagawang talakayan sina Mr. Raimund Ubaldo ng PHO at Mr. Cyril Flores ng A Single Drop for Safe Water (ASDSW) patungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na tahanan at kapaligiran.
Layunin ng naturang aktibidad na maitaas ang kaalaman ng mga Palaweño na magkaroon ng malinis na kapaligiran sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga palikuran at tamang paggamit nito na makatutulong upang mapanatiling malusog at mailayo sa sakit ang mga residente alinsunod sa Department of Health (DOH)- Seven Healthy Habits kung saan nakapaloob ang Priority Area #2 – Be Clean, Live Sustainably.
Ilan pa sa mga isinagawang aktibidad na bahagi ng selebrasyon ng World Toilet Day ay ang Jingle Dance Contest at pamamahagi ng hygiene kits sa mga dumalo.
Ang naturang aktibidad ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, DOH CHD MIMAROPA Health Education and Promotion Unit (HEPU) at EOHC, Provincial Department of Health Office (PDOHO) – Palawan, at Municipal Government of Bataraza.